CAUAYAN CITY – Nakukulangan ang Isabela Anti-Crime Task Force sa kasanayan ng mga gwardya na nagbabantay sa iba’t ibang bahay kalakal at establisimiyento sa lungsod ng Cauayan.
Ito ang kinumpirma ng pinuno ng Isabela Anti-Crime Task Force na si Mr. Ysmael Atienza kasunod ng pakikipagpulong nila sa mga gwardya katuwang ang Cauayan City Police Station.
Ayon kay Atienza, mistulang watchman lamang ang mga security guard dahil nalulusutan pa rin sila ng mga kawatan lalo na ang mga nagsasagawa ng tunneling.
Sa naganap na pagpupulong, iminungkahi sa mga gwardya na sana magkaroon sila ng mga bagong kagamitan gaya ng handheld radio at batuta kung sila ay nasa trabaho.
Sinabi ni Atienza na ang PNP na rin ang mangunguna sa pagbibigay ng kasanayan at tamang kaalaman sa mga gwardya na nagbabantay sa mga bahay kalakal at mga bangko.




