CAUAYAN CITY- Suliranin ngayon ng isang ginang kung saan siya kukuha ng pambayad para sa isasagawang operasyon sa pagputol sa dalawang daliri makaraang makuryente sa Naguillian, Isabela.
Ito ay sa dahilang hindi naman ito maaaring balikatin ng kooperatiba ng elektrisidad dahil ang pangyayari na pagka-kuryente sa itinago sa pangalang Ginang Magaway ay naganap sa loob ng kanilang bahay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ng ginang na aksidente ang pagkakahawak sa naka-usling bakal sa loob mismo ng saksakan.
Anya nag-charge ng cellphone ang kanyang anak bago nagtungo sa paaralan.
Hindi umano napansin ng anak na naiwan ang isang bakal ng saksakan ng charger at nang maglilinis na ng bahay ay aksidente nitong nahawakan ang naturang extension na may naka-usling bakal na sanhi para siya ay makuryente.
Dahil sa lakas ng pagkakakuryente ay nabagok ang ulo at kinakailangan pang tahiin ang tinamong sugat sa ulo.
Ang masaklap ay pumutok ang dalawa niyang daliri at kinakailangang putulin.




