CAUAYAN CITY- Pinag-aaralan ng maraming magsasaka sa Northern Isabela na hilingin sa mga Local Government Units (LGUs) na magsagawa ng cloud seeding operations.
Layunin ng kanilang kahilingan na makalikha ng artipisyal na ulan para masagip ang mga pananim na mais na nasa flowering stage.
Bagamat umulan noong araw ng Miyerkoles na nakatulong sa pagkakadilig ng mga pananim na mais ay hindi na ito nasundan pa.
Dahil sa tindi ng sikat ng araw ay halos nawala rin ang epekto ng nasabing ulan.
Nauna na ring sinabi ni G. Arnold Manzano ng Cabannungan second, Ilagan City na napapansin niya na sa tuwing sumasapit ang umaga ay nalulukot ang mga dahon ng mga mais dahil sa tindi ng sikat ng araw.
Ayon kay G. Manzano, ang mga mais na nasa flowering stage ay napaka-delikado dahil kinakailangan ang sapat na tubig ulan upang makalabas ng husto ang bulaklak at magkaroon ng bunga.
Kapag hindi nadiligan o naulanan ang mga puno ng mais na namumulaklak ay magiging ampaw ang bunga nito.
Ito ang dahilan kung bakit balak pa ring hilingin ng mga magsasaka ang cloud seeding operation sa pamamagitan ng Department of Agriculture ( DA ).




