--Ads--

CAUAYAN CITY – Mahaharap sa kasong ilegal possesion of firearm ang isang magsasaka matapos ituro ng isang Guest Relation Officer (GRO) ng videoke bar na siyang may may-ari ng baril na itinago sa kusina ng naturang bahay-inuman sa Brgy. San Manuel, Naguillian, Isabela.

Una rito ay nakatanggap ng text message ang Naguillian Police Station mula sa GRO na isa sa kanilang customer ay di umano’y ipinapakita ang muzzle ng kanyang baril na nakalagay sa body bag.

Agad tumugon ang mga kasapi ng Naguillian Police Station sa pamumuno ni OIC Chief of Police Sr. Insp. Francisco Dayag at nagsagawa ng Oplan Bakal.

Hindi pa man umano nakakababa ang mga otoridad sa kanilang patrol car, isa sa mga customer na may dalang body bag ang tumayo at agad tumakbo sa kusina ng bahay-inuman.

--Ads--

Dito nakipag-usap si Sr. Insp. Dayag sa manager ng videoke bar upang sindihan ang ilaw ng beerhouse at kinausap ang mga GRO upang saksihan ang gagawing paghaluhog.

Nakita ang isang Cal. 45 baril na natakpan ng mga plato sa kusina ng naturang bahay-inuman.

Napag-alaman na ang baril ay pag-aari ni Ken De Ocampo,39 anyos, isang balo, drug surrenderer at residente ng San Manuel, Naguillian, Isabela.

Itinatanggi ng suspek na pag-aari niya ang baril subalit matigas ang paninidigan ng mga GRO na siya ang maydala ng nasabing baril.