CAUAYAN CITY- Nakilala na ang dalawang suspek sa pagpatay sa 61 anyos na lolo sa Dinapigue, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan mula sa Dinapigue Police Station, ang isa sa mga suspek ay mismong anak ng biktimang si Maximino Solmerin na residente ng Purok Uno, Digumased, Dinapigue, Isabela.
Sa isinagawang pagsisiyasat ng pulisya sa tulong ng punong-barangay ng Dilaguidi, Dilasag, Aurora at Dilasag Police Station ay nakilala ang mga pinaghihinalaan na sina Jay Ancheta at Ranier Solmerin na tubong Dilasag, Aurora Province.
Si Ranier Solmerin na anak ng biktima ay dinakip sa kanyang bahay at agad dinala sa Dinapigue Police Station.
Kasong Parricide ang isinampang kaso laban kay Ranier Solmerin habang si Ancheta ay mahaharap sa kasong pagpatay o murder.




