--Ads--

CAUAYAN CITY – Wala pang kaanak na kumukuha sa bangkay ng isang drug surrenderer na napatay matapos umanong manlaban sa mga otoridad sa Ilagan City.

Nauna rito, napatay sa isinagawang drug buy bust operation ng mga kasapi ng Ilagan City Police Station sa Bagumbayan, Ilagan City si Jaypee Dela Cruz, nasa tamang edad, walang trabaho, tubong Tuguegarao City at pansamantalang residente sa Siffu, Ilagan City.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan mula kay P/Supt. Ariel Quilang, hepe ng Ilagan City Police Station, nagsagawa sila ng operasyon katuwang ang PDEA Northern Isabela laban kay Dela Cruz na nagresulta ng palitan ng putok.

Habang isinasagawa ang operasyon ay nakatunog umano si Dela Cruz na pulis ang kanyang ka-transaksyon dahilan upang bumunot ng baril at pinaputukan ang mga otoridad.

--Ads--

Agad namang nakaganti ng putok ang mga pulis at natamaan ang suspek.

Ang bangkay ni Dela Cruz ay nasa isang punerarya sa Centro, Ilagan City.

Sa panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan sa isang tauhan ng punerarya, sinabi niya na nang kanilang kunin ang bangkay sa pinangyarihan ng barilan ay nakita ang tatlong iba’t ibang identification card ngunit kinilala ng mga kasapi ng pulisya ang namatay na si Jaypee Dela Cruz.