CAUAYAN CITY- Mayroon nang sinusundang gabay ang mga kasapi ng Roxas Police Station kaugnay sa paghagis ng hinihinalang granada sa tinitirhang bahay ng isang maglive-in partner sa Barangay Vira.
Nasawi ang mga biktima ay sina Bernard Teel, 24 anyos, residente sa nasabing lugar at ang kanyang kinakasamang si Lornalita Guiao, 17 anyos, isang service crew at residente ng Angadanan, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Chief Insp. Dennis Pamor, hepe ng Roxas Police Station, kanyang sinabi na habang natutulog ang maglive-in partner ay inihagis ng mga di pa kilalang suspek ang granada sa bintana ng bahay.
Ayon kay Chief Insp. Pamor, nahulog sa kulambo ang granada kaya tinamaan ng shrapnel at nasunog ang katawan ng mga biktima.
Nagkabutas-butas din ang kwarto ng maglive-in partner at mapalad na hindi nadamay sa pagsabog ang mga menor de edad na kapatid ng biktimang lalaki.
Sinabi pa ni Chief Insp. Pamor na tukoy na nila ang posibleng may kagagawan sa krimen.
Malaki aniya ang posibilidad na personal ang motibo sa krimen lalo na’t ang lalaking biktima ay mayroong kasong frustrated homicide at may nakaalitan bago ang insidente.
Ayon pa kay Chief Insp. Pamor, susuriin nila ang kuha ng CCTV Camera ng BJMP Roxas na malapit lamang sa pinangyarihan ng pagpapasabog.




