CAUAYAN CITY- Inamin ng asawa ng sundalo na namatay sa bakbakan sa Marawi City na malaking dagok sa kanilang buhay ang pagkawala ng kanyang asawa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gng. Shiela Pascual, asawa ni Corporal Pablito Pascual ng brgy. Kalusutan Angadanan,sinabi niya na hindi niya alam ang kanyang gagawin lalo na’t naiwan sa kanya ang kanilang tatlong anak na maliliit pa.
Anya, noong una ay inilihim pa sa kanya ng kanyang asawa ang pagtungo nito sa Marawi City ngunit kalaunan ay umamin din ito na nagdulot ng labis na pag-aalala sa kanya.
Kinumpirma pa niya na July 1 bago ang pagkamatay ng kanyang asawa ay naka-usap pa niya at inihabilin sa kanya ang kanyang mga anak.
Sinabi pa ni Gng. Pascual na marami pang plano ang kanyang asawa kung nakauwi sana siya ng buhay kabilang na dito ang pagpapakasal nila sa simbahan sa susunod na taon at pagpapatayo ng bahay ngunit magsisilbi nalang umano itong panaginip sa pagkamatay ng kanyang asawa.
Umapela din si Ginang Pascual na sana ay itigil na ng pamahalaan at Maute-ISIS Group ang digmaan sa Marawi City dahil marami ng namamatay at nadadamay sa nasabing gulo.
Nakakaawa din umano ang pamilya na naiiwan ng mga namamatay sa nasabing bakbakan.
Magugunita na noong July 1, 2017 si Corporal Pablito Pascual, 31 anyos ay natamaan ng sniper ng mga kasapi ng Maute Group sa Marawi City.




