CAUAYAN CITY – Natanggap na ng Prov’l. Gov’t. ng Isabela pabatid o babala mula sa Central Office ng Department of Interior and Local Government (DILG) kaugnay ng ilang nagsasamantalang tao o grupo na humihingi ng donasyon ng iba’t ibang Local govt unit (LGU) at establisimiento para ipantulong sa mga naapektuhan ng giyera sa Marawi City.
Ito ay kasunod ng pagbuo ng Provincial disaster risk reduction and management council (PDRRMC) ng isang committee para makalikom ng salapi para sa dalawang sundalong taga-Isabela na namatay sa pakikipagbakbakan sa Lunsod ng Marawi.
Ang pamahalanag panlalawigan ng Isabela sa pamamagitan ni Gov Bojie Dy ay nagbigay ng tig-P/50,000.00 para sa dalawang sundalo.
Ayon kay Retired General Benito Ramos, consultant ng PDRRMC at ng binuong committee para sa fund raising activity, dapat mabigyan ng hiwalay na tulong ang pamilya nina PFC Melvin Raton ng Capitol, Delfin Albano, Isabela at Corporal Pablito Pascual ng Kalusutan, Angadanan, Isabela bukod sa tulong ng pambansang pamahalaan.
Nilinaw na ang fund raising activity ay para lamang sa dalawang sundalo at hindi para sa mga apektadong residente dahil bumubuhos naman ng tulong para sa kanila mula sa pamahalaang pambansa at ibang bansa.




