--Ads--

CAUAYAN CITY- Nasamsam ng tropa ng pamahalaan ang mga war materials at mga personal na kagamitan matapos ang kanilang pagsalakay sa isang kampo ng mga kasapi ng New People’s Army (NPA) sa Tinoc, Ifugao.

Pinangunahan ni 1st Lt. Joshua Barrio ng 54th Infantry Batallion ang pagsalakay kaninang madaling araw sa kampo ng mga rebelde sa Barangay Danggo Tinoc, Ifugao.

Nakipagbakbakan ng humigit kumulang dalawamput limang minuto ang tropa ng pamahalaan sa umaabot sa 30 NPA na pawang kasapi ng Nona Del Rosario Command at Leonardo Dario Manahan.

Apat na abandonadong bahay ang matagumpay na napasok ng mga sundalo at nabawi ang 30 tolda na pinaniniwalaang gamit ng mga rebelde.

--Ads--

Nakakumpiska rin ang militar ng dalawang M16 armalite rifle, ibat ibang uri ng bala ng baril, isang pakete ng pinatuyong dahon ng marijuana, magazine, icom radio, bag, antena, cellphone, damit na pambabae at iba pang gamit ng mga NPA.

Walang nasugatan sa panig ng pamahalaan at hindi pa natukoy ng militar kung may casualty o nasugatan sa panig naman ng rebeldeng grupo.