CAUAYAN CITY- Inilarawan ng kanyang ama na isang mabait, matulungin at maaasahan sa lahat ng bagay ang nag-iisang sundalong nasawi sa naganap na engkuwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at Abu Sayaff Group sa Patikul, Sulu.
Ang namatay ay si Sgt. Roberto Tejero Jr., 27 anyos, kasapi ng 21st Infantry Batallion- Bravo Company at residente ng Tagaran, Cauayan City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa ama ng biktima na si G. Roberto Tejero Sr., sinabi niya na tumawag sa isa sa kanyang anak ang asawa ng kasamahan ni Tejero na residente ng Luna, Isabela upang ipaalam ang nangyari sa kanyang anak.
Pagsasalarawan pa niya na mabait at maaasahan sa lahat ng bagay ang nasawing anak.
Si Sgt. Tejero ay huling nakapiling ang kanyang pamilya noong July 19, 2016 sa pagdiriwang ng kanyang kaarawan.
Siya ay nag-iisang namatay sa panig ng pamahalaan habang labing isa sa mga kasamahan nito ang nasugatan.




