--Ads--

CAUAYAN CITY – Kinumpirma ni P/Sr. Supt. Percival Rumbaua, Director ng Santiago City Police Office o SCPO na ang napatay na druglord sa Quezon City na si Johnny de Leon ang pangunahing pinagmumulan ng illegal na droga na ibinebenta sa Santiago City at iba pang lugar sa region 2.

Si de Leon na tubong Mabini, Santiago City ngunit lumipat sa Quezon City kung saan napatay sa isinagawang operasyon ng mga miyembro ng Quezon City Police District (QCPD) at Regional Intelligence Division (RID) ng Police Regional Office No. 2 sa kanyang tinitirhan sa Bagong Pag-asa, Quezon City.

Kasama niyang napatay ang tauhang si Arnold Criste at isang hindi pa nakilala. Sinilbihan si de leon ng search warrant dahil sa pagtataglay umano ng mga barilna walang lisensiya ngunit napatay sa pakikipagpalitan ng putok sa mga pulis.

Nasamsam sa kanyang tinitirhan ang tatlong baril, anim na sachet ng hinihinalang shabu at isang passbook na naglalaman ng milyu-milyong pisong transaction detail.

--Ads--

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni P/Sr. Supt Rumbaua na matagal nang drug personality si de Leon sa Lunsod ng Santiago. Nadatnan na niya sa SCPO ang mga record tungkol sa kanyang aktibidad sa illegal na droga.

Kahit wala sa Lunsod ng Santiago si De Leon ay nagpatuloy ang kanilang monitoring at pagsisiyasat para matukoy ang kanyang lokasyon at aktibidad ng kanyang mga galamay sa Lunsod ng Santiago.

Bukod sa region 2 ay lumawak din umano ang operasyon ni de Leon sa region 3 at National Capital Region.

Namonitor aniya ng ibang law enforcement units ang aktibidad ni de Leon kaya siya ay sinubaybayan hanggang matukoy ang kanyang kinaroroonan at isinagawa ang operasyon.

Nilinaw ni Supt. Rumbaua na hindi kasali ang SCPO sa actual na operation laban kay de Leon ngunit nagkaroon ng koordinasyon sa kanila ang mga operating units ng QCPD at Regional Intelligence Division ng PRO2 matapos matukoy ang tinitirhan ng druglord sa Quezon City.