CAUAYAN CITY- Payag ang isang dating mambabatas sa pagpapalawig ng martial Law sa Lunsod ng Marawi at hindi sa buong Mindanao.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni dating Congressman at Atty. Giorgidi Aggabao ng Isabela na batay sa kanyang pananaw ay hindi maaaring lumampas sa original period ang maximum na extension na animnapong araw ang ipinapatupad ng Martial Law sa Mindanao.
Naniniwala anya siya na maaaring magpatupad ng animnapong araw na pagpapalawig ng Batas Militar sa Mindanao at kung hindi pa nalulutas ang rebelyon o suliranin sa rehiyon ay maaaring muling magpatupad ng animnapong araw na extension of Martial Law.
Kailangan din na joint session ang Kamara at Senado ang magbobotohan kung aaprubahan o ibabasura ang extension sa martial law.
Sa botohan ay kailangang mahigit sa limampong bahagdan ng 292 na Congressman at ng dalawamput apat na senador ang boboto upang mapalawig ang martial law sa Mindanao .
Sa ilalim anya ng 1935 constitution hindi kinakailangang may actual rebllion, actual invasion at actual lawless violence kundi mayroong eminent danger o kung may sapat na ebedensiya na mangyayari ay maaari nang magdeklara ng Martial Law.
Subalit sa ilalim anya ng 1987 constitution ay tinanggal na ang nasabing probisyon ng batas at para hindi maabuso ay maaaring magdeklara lamang ng martial law kapag mayroong actual rebellion at actual invasion.
Naniniwala din si Atty. Aggabao na mayroong actual rebelyon na nangyari sa Lunsod ng Marawi na isinagawa ng Maute Terror Group…Maliwanag anya ang layunin ng Maute Terror Group na ihiwalay ang Lunsod ng Marawi bilang sarili nilang Estado.
Ang kuwestyunable anya rito ay ang lugar sa labas ng Lunsod ng Marawi.
Naniniwala si Atty. Aggabao na dapat ang Marawi City lamang ideklara ang Martial law dahil ito lamang ang may actual rebellion at sa ibang lugar sa Mindanao ay walang actual rebellion.
Inihayag pa ni dating Congressman Aggabao na ang pagkakaintindi anya niya sa saligang batas ay hindi na kinakailangan ang pagsang-ayon ng kongreso bago ideklara ang Martial Law.
Ito ay dahil ang pagdeklara ng batas militar ay prerogative ng pangulo.




