CAUAYAN CITY- Binuo na ang isang composite team na tutulong sa limamput tatlong kasapi ng Iglesia ni Cristo na napadpad sa dalampasigan na sakop ng Palanan, Isabela.
Ito’y makaraang lumubog kagabi ang sinakyan nilang bangka matapos hampasin ng malalakas na alon sa dagat.
Una nang sinabi ni G. Carlito Tumaliuan, isa sa mga consultant ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela at kasapi rin ng INC na ang mahigit 50 tao ay galing sa Palanan, Isabela para sa kanilang pagtitipon at pauwi na sa Dinapigue, Isabela nang hampasin ng malalakas na alon ang sinakyan nilang bangka.
Nabatid na wala namang nasaktan o casualty sa paglubog ng bangka subalit ang ilan sa kanilang kagamitan kasama na ang ilang motorsiklo ay lumubog.
Ang composite team ay binubuo ng mga kasapi ng Iglesia ni Cristo, PNP, Philippine Army at CAFGU.
Pahirapan ang pag-rescue sa mga pasahero dahil sa masungit na panahon at malalakas na alon sa karagatan.




