CAUAYAN CITY – Isa ang patay habang dalawa ang nasugatan sa salpukan ng dalawang motorsiklo sa pambansang lansangan na sakop ng Brgy. Sinippil, Reina Mercdes, Isabela.
Ang nasawing tsuper ay si Dexter Liban Cabalungan, 39 anyos, may asawa at residente ng Brgy. District 2, Reina Mercedes, Isabela habang ang dalawang nasugatan ay sina Jestoni Villaflores, 25 anyos, binata at Jeffrey Angoluan na kapwa residente ng Labinab Pequeño, Reina Mercedes, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Sr. Insp. Bruno Palattao, hepe ng PNP-Reina Mercedes, lumalabas sa kanilang imbestigasyon na ang dalawang motorsiklo ay galing sa magkasalungat na direksyon at may inunahang sasakyan ang motorsiklong minamaneho ni Cabalungan na dahilan upang mabunggo ang kasalubong na si Villaflores.
Dahil sa lakas ng salpukan ay tumilapon ang mga sakay ng dalawang motorsiklo na agad tinugunan ng mga otoridad para maidala sa isang pribadong pagamutan dito sa Cauayan City.
Dead on arrival ang tsuper na si Cabalungan dahil sa malubhang sugat na kanyang natamo.
Lumabas din sa pagsusuri ng manggagamot na ang tsuper na si Villaflores ay nasa impluwensya ng alak ng masangkot sa aksidente.




