CAUAYAN CITY- Sasampahan ng kasong assault upon a person or agent in authority ang isang barangay kapitan na pangulo ng Liga ng mga Barangay sa Angadanan, Isabela na nanutok ng armalite sa isang pulis sa barangay Magsaysay, Alicia,Isabela.
Inaresto ng mga kasapi ng Alicia Police Station si Barangay Kapitan Reynaldo Panganiban ng Viga, Angadanan, isabela, 49 anyos.
Ang kanyang tinutukan ng baril ay si SPO3 Jose tamang, 43 anyos at deputized ng LTO at kasapi ng Ilagan City Police Station.
Kabilang si SPO3 Tamang sa mga pulis na nagpapatupad ng Executie Order No. 18 na nagbabawal sa pagmamaneho ng motorsiklo na walang rehistro at tsuper na walang lisensiya.
Unang sinita ni SPO3 Tamang si Brgy. Kapitan Jun Lacar ng Inggud Sur, Angadanan na sakay ng motorsiklo at dumating si Kapitan Panganiban sakay ng Fortuner para tulungan ang kasamang punong barangay.
Nagkaroon ng sagutan ang magkabilang panig at kinuha ni Panganiban ang isang M16 Armalite Rifle sa kanyang sasakyan at tinutukan sa mukha si SPO3 Tamang.
Tumugon ang mga kasapi ng Alicia Police Station at dinakip si Panganiban.
Inaalam pa kung may lisensiya ang M16 armalite rifle na itinutok umano sa mukha ni SPO3 Tamang.
Samantala, ayon kay ANAC-IP Partylist Representative Jose Panganiban Jr. , kapatid ng pinaghihinalaan na kung mayroong kasalanan sa batas at maparusahan ay dapat harapin ng kanyang kapatid.




