--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagtamo ng 1st degree burns ang isang menor de edad habang sugatan ang dalawa niyang kasamahan dahil sa pagliyab ng kanilang sinasakyang motorsiklo matapos bumangga sa isang van lansangang sakop ng Brgy. Tallungan, Reina Mercedes, Isabela.

Nagtamo ng sunog sa kanyang katawan ang tsuper na si Mac Kian Sabrido, 17 anyos habang sugatan ang backrider na sina Richard Sevilla, 26 anyos at Ruzzel Bernardo, 18 anyos pawang tubong San Andres, Quezon Province at pansamantalang naninirahan sa Bayan ng Reina Mercedes.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Sr. Insp. Bruno Pallatao, hepe ng Reina Mercedes Police Station kanyang sinabi na mabilis na tinatahak ng motorsiklo ang nasabing lansangan ng mabangga ng isang van na minamaneho ni Richard Soriano, 30 anyos at residente ng Brgy. Ipil, Echague, Isabela.

Dahil sa lakas ng banggaan ay nagliyab ang naturang motorsiklo na dahilan upang masugutan sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga sakay nito.

--Ads--

Natuklasan din na ang tsuper na si Sabrido ay nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin nang masangkot sa aksidente batay na rin sa pagsusuri ng doktor.

Samantala, napag-alaman din ng Bombo Radyo Cauayan na walang kaukulang lisensya sa pagmamaneho ang tsuper na si Sabrido maging ang mga angkas nito ay wala ring helmet.

Ayon naman kay SFO1 Norwin Stephen Jacobo, ang OIC Fire Marshal ng BFP-Reina Mercedes, ang nag-spark na step bar sa harapan at pagtagas ng tangke ng gasolina ang nakikita nilang dahilan ng pagliyab ng motorsiklo.