CAUAYAN CITY- Nasa malubhang kalagayan ang isa sa dalawang biktima ng pamamaril ng riding in tandem suspects sa Barangay Marana 1st , Ilagan City.
Nasa intensive Care Unit ( ICU) ng isang pribadong pagamutan sa Cauayan City si Kyle Laurence Balisi, 17 anyos at residente ng Marana 1st , Ilagan City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa attending physician ng biktima, si Balisi ay nagtamo ng tama ng bala ng baril sa kanyang dibdib na tumagos sa kanyang likuran.
Habang ang isa pang biktima ng pamamaril na si Vilamae Sevilla, 22 anyos, may-asawa ay kasalukuyang nagpapagaling sa isang pagamutan sa Ilagan City.
Magugunitang ang dalawang biktima kasama ang ilang kaibigan ay naglalakad sa gilid ng National Highway nang may dumating na motorsiklo at biglang huminto sa kanilang tapat saka bumunot ng baril ang angkas sa likod at pinaputukan ang mga naglalakad sa kalsada.




