--Ads--

CAUAYAN CITY- Nagkakaloob na ng tulong ang pamahalaang panlalawigan ng Nueva Vizcaya sa 30 pamilyang inilikas makaraang maapektuhan sa labanan ng mga kasapi ng 84th Infantry Batallion at rebeldeng New Peoples Army sa Sitio Manglan,Dine, Kasibu, Nueva Vizcaya.

Ang mga nasabing pamilya ay galing sa barangay Dine at kalapit na barangay Paquet.

Lumikas ang mga mamamayan sa pangambang madamay sa isinasagawang pagtugis ng mga sundalo sa nakalabang kasapi ng mga rebelde noong nakaraang Biyernes.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Governor Carlos Padilla ng Nueva Vizcaya na naka-antabay at nagbigay na ng tulong mga relief goods ang Provincial Social Welfare and Development Office sa mga apektadong pamilya.

--Ads--

Samantala, pinabulaanan naman ni P/Sr. Insp. Norly Gamal, Hepe ng Kasibu Police Station na mayroon muling naganap na engkuwentro sa pagitan ng mga sundalo at rebelde ngayong araw.

Batay sa kanilang napag-alaman maaaring diversionary tactics lamang ito ng mga rebeldeng pangkat na kasalukuyang tinutugis ng mga sundalo.