CAUAYAN CITY – Siyam na miyembro ng New People’s Army (NPA) ang killed in action (KIA) habang isang sundalo ang nasugatan sa naganap na sagupaan sa Sitio Barat, Burgos, Carranglan Nueva Ecija.
Nagsimula kaninang alas siyete ng umaga ang bakbakan ng mga rebelde at isang platoon ng Charlie Company ng 84th Infantry Batallion Philippine Army na pinangungunahan ni 1st Lt. Cadungog kasama ang isang squad ng 71st Military Intelligence Company (Mico).
Una rito nakatanggap ng impormasyon ang mga sundalo na mayroong isinasagawang extorsion o pangingikil ng mga rebelde sa nasabing lugar na kanilang tinugunan.
Isang section ng Bravo Company ng 84th IB na may kasama K-9 tracking dog ang nagtungo na sa encounter site para tumulong sa grupo ni 1st Lt. Cadungog.
Isa pang section ng 84th IB ang nagsisilbing blocking force laban sa mga tumakas na rebelde.
Sa pinakahuling update na nakuha ng Bombo Radyo Cauayan, kaninang tanghali mula sa militar ay isang sundalo ang nasugatan at siyam na NPA ang killed in action.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo sa PNP Carranglan kasalukuyan ang ginagawang clearing operations sa encounter site
Nakuha sa pinangyarihan ng engkuwentro ang sampong high powered firearms at siyam na back pack na may subersibong dokumento.




