--Ads--

CAUAYAN CITY –Maraming nadakip na mga sangkot sa illegal na droga ang police intelligence officer na pinagbabaril patay sa Barangay Palattao, Naguilian,Isabela.

Ang biktima ay si PO3 Christopher John Duarte, residente ng Purok uno, San Felipe, Ilagan City.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, dating non-commission intelligence officer ng Ilagan City Police Station si PO3 Duarte kung saan marami ang nadakip at nasampahan ng kasong sangkot sa illegal na droga.

Si PO3 Duarte ay nakatalaga sa Sto.Tomas Police Station ngunit kasalukuyang nag-aaral sa Regional Training Center sa Cauayan City.

--Ads--

Inihayag naman ni P/Sr. Supt Reynaldo Garcia, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office na binabagtas ni PO3 Duarte ang kahabaan ng national highway sa barangay Palattao,Naguillian sakay ng kanyang motorsiklo na walang plaka nang biglang may kulay itim na Innova ang sumunod sa kanya at pinaputukan si PO3 Duarte.

Bumaba pa umano ang dalawang armadong lalaki sa itim na sasakyan para siguraduhing patay na si PO3 Duarte.

Dalawang basyo ng bala ng Cal. 45 baril at M16 armalite rifle ang nakita sa pinangyarihan ng krimen na hinihinalang nagmula sa baril ng mga suspek .

Patuloy pa rin ang pagsisiyasat ng mga kasapi ng Naguilian Police Station kung ano ang motibo ng nasabing krimen.