CAUAYAN CITY – Hindi kilala ng mga angkan ng Manango sa Alicia, Isabela si Marilou Manango Danley na sinasabing kinakasama ng gunman sa nangyaring walang habas na pamamaril sa Las Vegas, Nevada, Estados Unidos.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dr. Carol Manango na isa sa mga may-ari Manango Hospital sa bayan ng Alicia, sinabi niya na hindi nila kilala si Marilou.
Ang origin aniya ng kanilang angkan ay sa Candaba, Pampanga.
Hindi rin batid ni Dr. Manango na kaapelyido nila ang maiden name ni Marilou dahil tinanong sa Bombo Radyo Cauayan kung bakit sila hinahanap at kung bakit tinatanong kung kilala nila si Marilou Danley.
Unang kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na dumating sa bansa si Danley bago ang naganap na pamamaril sa Las Vegas, Nevada ng kinakasamang si Stephen Paddock na nagpadala pa umano ng $100,000 sa Pilipinas ilang araw bago ang kanyang pamamaril.




