CAUAYAN CITY- Naniniwala si Social Communications Director ng Diocese ng Ilagan na si Fr. Vener Ceperez na mas nararapat umano na natuloy sana ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections ngayong Oktubre.
Sa exklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Fr. Ceperez na kung ipagpapaliban din lamang ang halalang pambarangay ay dapat umanong mas pinaaga ito upang hindi na gumastos pa ang COMELEC sa pag-iimprenta ng balota.
Ayon pa kay Fr. Ceperez, mas nakabubuti na magkaroon ng halalan upang marinig ang pulso ng mga mamamayan at mapalitan ang mga opisyal ng barangay na sinasabing sangkot sa ilegal na gamot.
Aniya, wala namang problema kung matutuloy ang halalan alinsunod sa nakasaad batas at upang makita rin ng tao na ang pamahalaan ay walang alinlangan sa pagganap sa kanilang responsibilidad.
Ayon pa kay Fr. Ceperez, mas mahirap din umano na magtatalaga na lamang ng mga bagong opisyal sa barangay alinsunod sa nakasaad sa nilagdaang batas ni Pangulong Duterte na may kapangyarihan siya na mag-appoint ng mga bagong barangay officials.
Aniya, naganap na umano ito noong panahon ng rehimeng Marcos at kadalasan na kung ano ang nais ng nakakataas ay ito ang sinusunod ng mga appointees.




