CAUAYAN CITY – Inalmahan ng ilang kasapi ng Region 2 Riders Federation ang panibagong panukalang isinusulong ng PNP-Highway Patrol Group na paggamit ng half face helmet ng mga small motorcycle riders sa bansa.
Layunin umano nitong malabanan ang lumalalang riding in tandem criminals na nasa likod ng patayan sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni G. Mark Anthony Mundo, pangulo ng isang motor rider club at region 2 riders federation webmaster, masyadong subjective ang PNP sa kanilang mga paraan para labanan ang mga riding in tandem criminals sa bansa.
Noong una anya ay ipinanukala ng PNP ang doble plaka na hindi angkop sa disenyo ng motorsiklo at ngayon naman ay maisasakripisyo ang kapakanan at kaligtasan ng mga motorcycle riders.
Nangangamba si Ginoong Mundo na baka isang araw ay maging ang mga motorsiklo ay ipagbawal na sa lansangan.
Iginiit pa ni Ginoong Mundo na hindi ang helmet ang solusyon sa problema ng bansa na riding in tandem criminals kundi tutoong police visibility at paglalagay ng mga CCTV Camera na gumagana at hindi lamang pang display.
Binigyang diin pa ni Ginoong Mundo na hindi kailangang mga riders ang mag-adjust sa nasabing problema bagkus ay ang bumalangkas ng mas epektibong paraan upang mapangalagaan ang kaligtasan ng mga mamamayan.




