CAUAYAN CITY – Naniniwala ang isang military officer ng Armed Forces of the Phils. (AFP) na paralisado na ang mga terorista.
Matatandaang napatay na ng mga sundalo ang dalawang pinuno ng Maute group na sina Omar Maute at Isnilon Hapilon kaya mahihirapan na umanong magtatag ang mga terorista ng bagong grupo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lt. Col. Basiliio Dumlao, Judge Advocate ng 5th infantry Division ng Philippine Army, kanyang minaliit ang kakayahan ni Dr. Mahmud Ahmad, isang Malaysian terrorist na mamuno sa mga kasamahang terorista na lumalaban sa Marawi City.
Aniya, wala raw itong kakayahan kaugnay sa taktika ng militar na taglay ng dalawang napaslang na teroristang lider.
Sinabi pa ni Lt. Col. Dumlao na hanggang ngayon ay nasa Marawi City pa rin ang ilang kasapi ng 5th ID dahil tuloy tuloy pa rin ang rotation ng mga sundalo.
Makakahinga na umano ng maluwag ang militar dahil tapos na ang digmaan sa Marawi.
Pagtutuunan na umano nila ng pansin ang iba pang suliranin sa Mindanao pangunahin na ang rehabilitasyon ng Marawi City.




