--Ads--

CAUAYAN CITY, Isabela – Ang kinasangkutang mga kaso ng isa sa dalawang biktima ang isa sa tinitignan anggulo ng pulisya sa naganap na pamamaril-patay sa Brgy. District 1, Caauayan City.

Naunang nang kinumpirma ng Cauayan City Police Station na ang biktimang si Engracio Evangelista, isang retiradong pulis na may ranggong SPO2, ay nauna nang sinampahan ng mga kaso sa piskalya dahil sa pagkakasangkot sa pagpatay sa mag-asawang Martinez noong Pebrero maging ang pamamaril at pagnanakaw sa Brgy. San Isidro na ikinasawi ng magkapitbahay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Sr. Insp. Ferdinand Datul, Chief Investigator ng PNP-Cauayan City, kanyang sinabi na iniimbestigahan na nila ang mga kasong kinasangkutan ni Evangelista na posibleng magbigay linaw sa ikalulutas ng krimen.

Samantala, sinabi pa ng opisyal na posibleng nadamay lang ang isa pang biktima na si Benjamin Dumawal Jr., isang retiradong bumbero.

--Ads--

Aniya, wala silang namomonitor na kinasangkutang ilegal na gawain ang biktimang si Dumawal.

Sa ngayon ay patuloy pa silang nangangalap ng karagdagang ebidensya para matukoy ang motibo at mga pinaghihinalaan sa naganap na krimen.

Samantala, isasailalim din sa beripikasyon kung lisensyado ang dalawang Cal. 45 na baril na nakuha mula sa pag-iingat ng dalawang biktima.

Dead on the spot ang dalawang biktima kung saan nagtamo ng anim na tama ng bala ng baril si Dumawal habang pitong tama ng bala si Evangelista.