CAUAYAN CITY – Magkahalong tuwa at lungkot ang naramdaman ni Miss Philippines Julie Anne Tricia Manalo matapos magwagi bilang 2nd runner up sa ginanap na Miss Tourism Universe 2017 sa Tanghalang Pasigueño sa Lunsod ng Pasig.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Bb. Manalo na ang kanyang karanasan bilang kandidata ng Miss Tourism Universe ay isa sa mga magagandang bagay na nangyari sa kanyang buhay.
Naranasan niyang magkaroon ng mga kaibigan na may iba’t ibang lahi at kultura at may mga natutunan siyang kaalaman sa kanila.
Natutuwa siya dahil muli siyang nakapaghatid ng karangalan para sa mga kababayan sa Nueva Vizcaya at sa buong bansa.
Nakaramdam siya ng lungkot dahil limitado na lamang ang mga araw na makakasama niya ang ibang kandidata na naging kaibigan niya.
Si Bb. Manalo ay residente ng Salvacion, Bayombong, Nueva Vizcaya at nagtapos ng Bachelor of Science in Tourism Management sa Saint Mary’s University (SMU).
Sinabi ni Bb. Manalo na sabik na siyang muling makauwi sa bayan ng Bayombong para maibahagi ang lahat ng magagandang pangyayari at karanasan mula sa pagiging kandidata at ngayon bilang Miss Tourism Universe 2017 – 2nd runner up.
Ang kanyang plano sa ngayon ay gampanan ang kanyang mga responsibilidad bilang reigning queen ng Miss Tourism Philippines at Miss Tourism Universe 2nd runner up.
Nais din niyang magpahinga habang naghahandang makapag apply sa isang airline company para matupad ang pangarap niya na maging isang flight attendant.




