CAUAYAN CITY– Walang naging masamang intensiyon ang mga sepulturero sa old public cemetery sa Ilagan City sa pagbakbak ng isang nitso dahil ito ay pinahintulutan ng mga kamag-anak ng nakalagak sa nasabing puntod.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan ang mga nasabing sepulturero ay ipinatawag sa Ilagan City Police Station dahil sa napabalitang ikinalat ang isang kabaong sa harapan ng nasabing sementeryo.
Ang nasabing kabaong ay nakalagay sa gitna ng kalsada na pinagkaguluhan ng mga tao.
Ipinaliwanag sa Bombo Radyo Cauayan ng isang sepulturero na ipinatawag sila ng kamag-anak ng namatay at ipinakiusap na kinakailangang bakbakin ang nasabing puntod sa dahilang mahigit 20 taon na ang nakakalipas at kinakailangang doon din ilibing ang asawa ng namapayapa na ngayon ay nakaburol pa lamang.
Ito ang dahilan kung bakit inihanda ng mga sepulturero ang naturang puntod, binakbak at inilabas ang kabaong at maingat na ibinalik nila ang mga buto sa loob ng nitso.
Ang kabaong ay kanilang itinabi ngunit hindi agad inilagay sa tamang lugar dahil sa umuulan.
Hindi naagnas ang nasabing kabaong dahil ito ay metal casket.
Dahil sa naiwan sa tabi ng puntod ang nasabing kabaong ay ilan umanong di nakilalang tao ang naglabas ng kabaong at inilagay sa gitna ng kalsada.




