CAUAYAN CITY – Nakubkob na ng militar ang malaking kuta ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Dupax Del Sur, Nueva Vizcaya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay 1st Lt. Catherine Hapin ng Division Public Affairs Office ng 7th Infantry Division Philippine Army, kanyang sinabi na hawak na nila ang kampo ng mga NPA kung saan naganap ang pakikipagbakbakan ng mga miyembro ng 84th Infantry Batallion na ikinasugat ng labinlimang tropa ng pamahalaan.
Ayon kay 1st Lt Hapin, ang mga nakaengkwentro ng 84th IB ay grupo rin ng mga NPA na nakasagupa kahapon ng 72nd Division Reconnaissance Company sa barangay Sanguit Dupax del Sur, Nueva Vizcaya.
Sa exklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni 1st Lt. Hapin na sa pinangyarihan ng bakbakan ay narekover ng militar ang dalawang armalite rifle, dalawang magazine at mga bala ng M14 armalite rifle,bigas at delata.
Matatandaan na kamakailan lang ay 3 hinihinalang kasapi ng NPA ang inaresto ng pulisya at militar sa isang checkpoint dahil sa pagdadala ng mga baril at granada.




