CAUAYAN CITY – Patay ang apat na tao sa magkahiwalay na aksidente sa Isabela at lalawigan ng Ifugao.
Patay sina Bryan Caluya, 25 anyos at Spencer Turingan, 18 anyos habang ang malubhang nasugatan ay si Richard Caluya, 17 anyos na pawang residente ng barangay Bacradal Echague, Isabela sa naganap na aksidente.
Lumalabas sa imbestigasyon ng Echague Police Station na umagaw ng linya ang motorsiklong sinakyan ng magkapatid na Caluya kaya sumalpok ito sa isa pang motorsiklo na minamaneho ni Turingan.
Sa lakas ng impact ng banggaan ay tumilapon ang mga bitktima na naging dahilan ng kanilang pagkakasugat sa ibat ibang bahagi ng katawan.
Isinugod sa Echague District Hospital ang mga biktima subalit idineklarang dead on arrival ang dalawang tsuper ng motorsiklo na sina Bryan Caluyan at Spencer Turingan.
Napag-alaman na nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin ang mga tsuper nang sila ay masangkot sa aksidente.
Samantala patay naman sina Christian Jacob dela Cruz, 14 anyos at Guillermo Sayo, 18 anyos sa naganap na aksidente sa Namillangan, Alfonso Lista, Ifugao
Kinilala naman ang nasugatan na si Johnloyd Alejo na residente ng San Juan Alfonso Lista, Ifugao.
Lumalabas sa pasisiyasat ng pulisya na bumangga ang sinakyang motorsiklo ng mga biktima sa isang kahoy sa gilid ng lansangan.
Isinugod sa pagamutan ang tatlong biktima subalit sa kasawiang palad ay hindi umabot nang buhay sina dela Cruz at Sayo.




