CAUAYAN CITY – Nagpapatuloy ang pag-recruit ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa mga menor de edad na kasapi.
Sa inilabas na press release ng pamunuan ng 86th Infantry Batallion na nilagdaan ni Lt. Col. Remegio Dulatre, Acting Commanding Officer ng 86th IB, ito ang lumabas sa isinagawa nilang pagsisiyasat at pagbubunyag ng dalawang kabataang mag-pinsan na ang isa sa kanila ay kasapi ng rebeldeng NPA.
Inihayag ni Lando (di tunay na pangalan) na ang kanyang pinsan na si Shano (di tunay na pangalan), kapwa residente ng Echague, Isabela na sila ay boluntaryong nakipagtulungan sa mga sundalo upang mapangalagaan ang kanilang seguridad.
Ibinunyag ni Lando na ang kanyang pinsan na si Shano ay 17 anyos lamang at 4 na taon nang kasapi ng rebeldeng pangkat.
Sumama na rin anya ang kanyang pinsan sa pakikipagbakbakan laban sa mga sundalo na ikinasawi ng dalawang kasapi ng tropa ng pamahalaan.
Inamin naman ni Shano na apat na taon na siyang nilinlang upang maging kasapi ng NPA sa kanyang murang edad.
Pinangakuan umano siyang bibigyan ng suweldo kapag sumapi na sa rebeldeng pangkat.
Labis anya ang kanyang pagsisisi dahil bukod sa gutom ang inabot sa kabundukan ay hindi nasunod ang pangako sa kanya.
Hindi anya naging maganda ang kalagayan niya sa bundok dahil ginagawa siyang guwardiya sa kanilang kuta tuwing gabi kaya’t nagkukulang sa tulog.




