--Ads--

CAUAYAN CITY – Magsasagawa ng sariling imbestigasyon ang pamunuan ng DepEd Cauayan City kaugnay sa umano’y tangkang panununog sa isang silid-aralan ng Nagrumbuan Elementary School, Cauayan City

Ang tangkang panununog ay naganap kaninang umaga subalit hapon na nang iparating ang impormasyon sa pulisya at BFP-Cauayan City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Schools Division Supt. Guilbert Tong ng Dep-Ed Cauayan City, kanyang sinabi na masusi niyang iimbestigahan ang insidente upang matukoy kung sino ang nasa likod nito.

Kung magugunita noong nagdaang buwan ay nagkaroon din ng umano’y tangkang pagnununog sa isang silid-aralan sa Cauayan North Central School kung saan natukoy na isang estudyante ang may kagagawan nito.

--Ads--

Ayon kay Dr. Tong, kanyang aalamin kung ang bagong insidente ay kagagawan muli ng estudyante at titiyakin niyang isasailalim ito sa rehabilitasyon.

Sa paunang pagsisiyasat ng PNP-Cauayan City, natuklasan ng isang Grade 6 pupil na nasira ang kandado ng kanilang silid-aralan at ilang libro at gamit ang nasunog.

Hindi rin inaalis ng pulisya na posibleng pagnanakaw ang motibo sa insidente.

Inihayag pa ni Dr. Tong na kung mapapatunayang may pagkukulang ang principal ay tiyak na kanyang pagpapaliwanagin maging ang itinalagang caretaker ng naturang paaralan.

Samantala, sinikap ng Bombo Radyo Cauayan na kuhanan ang panig ng Principal ng paaralan at guro ng naturang silid-aralan subalit tumanggi silang magbigay ng paghayag.

Ipinauubaya na lamang umano nila ang imbestigasyon sa pulisya maging sa BFP-Cauayan City.