CAUAYAN CITY-Puspusan ang ginagawang monitoring at pagkumpiska ng Bureau Of Fire Protection (BFP) Santiago City ng mga itinitindang tingi tinging gasolina.
Karamihan sa mga nagtitinda ng tingi-tinging gasolina ay mga tindahang malapit sa mga residential houses na nakakaapekto sa kalusugan ng mga mamamayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan inihayag ni SFO1 William Peralta, layunin ng kanilang pagsamsam sa mga itinitindang tingi-tinging gasolina ay upang maiwasan ang sunog at mapangalagaan ang kalusugan ng mga residente.
Kapansin-pansin anyang hindi ligtas ang pagsasalin ng gasolina sa mga bote at hindi rin ligtas ang pinag-iimbakan na maaaring magsanhi ng sunog.
Sinabi pa nbi SFO1 Peralta na mayroong tumatawag sa kanilang tanggapan na nagpaparating ng kanilang reklamong masangsang na amoy ng gasolina at sa pangambang magkaroon ng sunog sa kanilang lugar.
Sinabi na niya na umaabot sa 100 litro hanggang 1,000 litro ang kanilang nakukumpiska sa isang tindahan lamang kapag nagsasagawa sila ng operasyon.
Magmula noong buwan ng Mayo hanggang ngayon ay aabot sa dalawang libong litro ng tingi tinging gasolina na ang nasamsam ng BFP-Santiago City sa mga nagtitinda.
Nagbabala rin si SFO1 Peralta sa mga tumatangkilik ng de boteng gasolina na maaaring makasira sa kanilang motorsiklo dahil hindi matiyak kung purong gasolina o may halong tubig ang mga itinitinda




