--Ads--

CAUAYAN CITY – Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang motibo sa naganap na pananambang kaninang umaga sa Brgy. Annanuman, San Pablo, Isabela na ikinasawi ng dalawang opisyal ng barangay at ikinasugat ng isang tao.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan mula sa San Pablo Police Station, ang nasawing mga biktima ay sina Brgy. Treasurer Rey Mabborang, 42 anyos at Bonifacio Lumabi, 48 anyos,isang barangay tanod.

Habang nasugatan din ang isa pa nilang kasama na kinilalang si Kingberly Antonio, 22 anyos na pawang mga residente ng Dalena, San Pablo, Isabela.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, ang mga biktima ay sakay ng isang owner type jeep patungong Cabagan, Isabela nang bigla silang pinagbabaril ng tinatayang limang kalalakihan gamit ang hindi pa mabatid na kalibre ng baril.

--Ads--

Ang pananambang ay nagbunga ng pagkamatay ng barangay treasurer at barangay tanod.

Agad na tumakas ang mga suspek sa hindi mabatid na direksyon.

Mapalad namang nakatakbo at nakatakas sa pananambang si Brgy. Capt. Bricio Gammaru, 36 anyos ng Brgy. Dalena.

Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng pulisya ang punong-barangay para makuhanan ng pahayag na magagamit sa posibleng pagkakatukoy at pagkadakip sa mga suspek.