CAUAYAN CITY – Isa ang patay, tatlo ang nasugatan sa naganap na hit and run sa Abut, Quezon, Isabela.
Patay na nang idating sa pagamutan ang nasugatan na si Marcelino Guya, 49 anyos, may-asawa, karpintero.
Ang mga nasugatan ay sina Jordan Balagyo, 38 anyos, magsasaka, Reymund Monar, 19 anyos, construction worker; Rico Madamba, 48 anyos, karpintero, pawang residente ng Liwan Norte, Enrile, Cagayan.
Lumabas sa pagsisiyasat ng Quezon Police Station na ang apat na biktima ay sakay ng dalawang motorsiklo na minamaneho nina Balagyo at Monar patungong hilagang direksiyon nang mabangga sila ng motorsiklo na mabilis ang takbo.
Tumilapon ang mga biktima at nagtamo ng mga sugat sa kanilang katawan na nagbunga ng pagkasawi ni Marcelino Guya.
Una silang dinala sa Quezon Community Hospital ngunit inilipat ng Rescue 819 ng Quezon si Jordan Balagyo sa pagamutan sa Tuguegarao City.
Sinisiyasat ng Quezon Police Station ang naganap na aksidente para matukoy at mapanagot ang tsuper ng motorsiklo na bumangga sa mga biktima.




