CAUAYAN CITY – Nagpalabas ng abiso ang Dart Rescue 831 ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela kaugnay sa lagay ng panahon at kalagayan ng mga tulay sa Isabela.
Batay sa monitoring ng Rescue 831, apat na tulay ang hindi maaring madaanan ngayon ng mga sasakyan matapos umapaw ang tubig sa mga ilog.
Ito ay kinabibilangan ng Sta. Maria, Sto.Tomas Overflow Bridges maging ang tulay sa Baculod at Bintacan sa lunsod ng Ilagan.
Habang maari namang madaanan ang mga overflow bridges sa Turod-Bangkero sa Reina Mercedes, Isabela; Masaya Sur sa San Agutin, Isabela; Cabisera Singko-Disinuebe at Cabisera Otso sa Ilagan City; Gucab at Annafunan Bridge sa Echague, Isabela; Pigalo Detour Brigde sa Angadanan, Isabela; at Alicaocao Overflow Bridge sa Cauayan City.
Samantala, sa abiso naman ng Magat Dam Reservior na inilabas kaninang tanghali, walang nakabukas na spillway gates ng Magat Dam.
Ang water level ay 191.96 meters at ang inflow o pumapasok na tubig ay 373 cubic meters per second habang ang outflow ay 193 cubic meters per second.
Ang apat na coastal towns naman ng Isabela ay nakakaranas ng makulimlim na kalangitan pero asahan ang masungit at mataas na alon sa karagatan na posibleng umabot sa tatlo hanggang apat na metro.
Pinag-iingat din ng PDRRMC-Isabela ang mga mangingisda na gumagamit ng maliit na sasakyang pandagat na mag-ingat sa malalaking alon.




