CAUAYAN CITY – Nagdulot ng takot sa mga magulang ang pinagtibay na ordinansa ng mga kasapi ng Sangguniang Bayan sa San Mateo kaya wala nang makitang batang pagala-gala sa gabi.
Laman ng nasabing Ordinansa na ang mga magulang na pinapabayaan ang mga anak na pagala-gala sa lansangan sa gabi ay mayroon ding kaukulang multa pangunahin na kung ang mga bata ay nasasangkot sa mga kaso.
Batay sa talaan ng San Mateo Police Station, bihira na ang mga batang dinadala sa kanilang himpilan na sangkot sa kaso dahil sa nasabing ordinansa.
Mayroon nang mga magulang na pinagmulta ng P/1,000.00 matapos makitang pagala-gala ang mga anak sa lansangan at nasangkot pa sa kaso.
Ayon naman sa mga magulang, ang kanilang mga anak ay tumatakas sa dakong gabi kaya hinahayaan na lamang nila subalit sa ngayon ay kanila nang hinigpitan.
Kahit ngayong panahon ng holiday season ay kapansin pansin na wala ang mga batang pagala-gala mula noong ipatupad ng mahigpit ang nasabing ordinansa at curfew hours sa mga menor de edad.




