--Ads--

CAUAYAN CITY – Desididong magsampa ng kaukulang kaso ang isang ginang laban sa kanyang dating asawa matapos pwersahang tangayin ang kanilang onse anyos na babaeng anak.

Una rito, matagumpay na nailigtas ng mga kasapi ng Cauayan City Police Station ang 11 anyos grade 6 pupil matapos umanong pwersahang tangayin ng kanyang sariling ama.

Nakatanggap ng ulat ang PNP – Cauayan City mula sa Delfin Albano Police Station na ang bata ay pwersahan umanong kinuha ng kanyang ama na itinago sa pangalang Rico, isang tsuper ng truck sa kalakhang Maynila at residente ng Sto.Tomas, Isabela.

Agad inilagay sa flash alarm ang isang Toyota Vios na kulay silver at may plakang BH 7532 na nakarehistro sa pangalan ni Nica residente ng Delfin Albano, Isabela subalit ito ay minamaneho ng kanyang dating asawa na Rico.

--Ads--

Patungong timog na direksyon ang nasabing sasakyan hanggang sa napigil ito sa isang mall sa Cauayan City.

Nabatid na pwersahang kinuha ng suspek ang anak na babae sa bahay ng kanyang lola sa Delfin Albano, Isabela.

Sa pakikipag-ugnayan naman ng Bombo Radyo Cauayan sa ina na si Nica, matapos tangayin ang bata ay nakatawag pa sa kanya ang anak kaya’t agad siyang nakipag-ugnayan sa mga otoridad.

Natuklasan pa na ang dahilan ng lalaki ay nais niyang makipagbalikan sa nakahiwalayang asawa.

Kung hindi umano pagbibigyan ang hiling ay papatayin niya ang sariling anak na babae.
Ang dalawa ay nagsama ng 13 taon at may isang anak na babae.