CAUAYAN CITY – Nasa tatlong daang libong pisong cash na koleksyon ang natangay ng mga magnanakaw sa panloloob sa isang kooperatiba sa bayan ng Dupax del Sur, Nueve Vizcaya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Chief Insp. Rovelita Aglipay, hepe ng Dupax del Sur Police Station, una silang nakatanggap ng tawag kaugnay sa naganap na panloloob sa St. Vincent Ferrer Multi-purpose Cooperative na agad naman nilang tinugunan.
Sa paunang pagsisiyasat ng pulisya, umakyat umano ang mga suspek sa rooftop ng isang kumbento ng simbahan at kanilang binutusan ang bubungan ng kooperatiba na nasa tabi lamang nito.
Nakita naman sa kuha ng CCTV Camera ang pagnanakaw ng tatlong suspek na pawang nakasuot ng bonet.
Batay pa sa CCTV Footage, sinira ng tatlong suspek ang vault kung saan nakalagay ang koleksyon ng kooperatiba.
Sinisiyasat na ng pulisya ang nakuhang bakas sa lugar na magiging gabay sa pagkakakilanlan at pagkakadakip ng mga pinaghihinalaan.
Hindi rin inaalis ng pulisya ang anggulong inside job sa naganap na panloloob.




