CAUAYAN CITY – Ipinasakamay na sa firearms and explosive division ng civil security unit ng police regional office number 2 ang baril na nasamsam ng mga kasapi ng Cauayan City Police Station sa kanilang pag-iikot sa mga firecracker zone.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Senior Inspector Ezem Galiza, ang public information officer ng Cauayan City Police Station, kanyang sinabi na isang 9mm na baril na nagpaso na ang lisensya ang kanilang nasamsam.
Ito umano ay nakumpiska sa pangangalaga ng isang security guard ng SMC security agency.
Ang operasyon ay magkatuwang na isinagawa ng Cauayan City Police Station at firearms and explosive division ng civil security unit ng Police Regional Office 2.
Maliban sa isang baril ay marami ring uri ng paputok ang kanilang nasamsam dahil wala umano itong label at ang iba ay gawa sa china.
Patuloy naman ang paalala ng pulisya sa mga mamamayan na iwasan ang iligal na pagpapaputok ng baril sa pagsalubong mamayang gabi ng bagong taon.
Ngayong araw ay ipinagpatuloy ng pulisya, BFP, at Rescue 922 ang pag-iikot sa kalunsuran upang paalalahanan ang mga mamamayan para sa ligtas na pagsalubong ng bagong taon.




