CAUAYAN CITY – Nawalan ng malay ang isang manggagawa makaraang hampasin ng bato ang mukha nang nakainitang kainuman sa Landingan, Nagtipunan,Quirino.
Ang nawalan ng malay ay si Agustin Pingkihan, 51 anyos, walang asawa habang ang suspek ay kanyang bayaw na si Eddie Gamas, 42 anyos, may-asawa, magsasaka at kapwa residente ng nasabing lugar.
Lumabas sa pagsisiyasat ng Nagtipunan Police Station na nag-inuman ang dalawa hanggang madaling araw nang magpasya ang biktima na itigil na ang inuman at pinapauwi na ang suspek.
Subalit tumanggi si Gamas at nakipagtalo kay Pingkihan hanggang dumampot ng malaking bato ang suspek at inihampas sa mukha ng biktima sanhi para mawalan ng malay.
Kaagad na na dinala sa pagamutan si Pingkihan na nagtamo ng sugat sa gitnang bahagi ng mukha at maaaring nabali ang ilong.
Nagpapagaling na sa pagamutan ang biktima habang ang suspek ay kusang sumuko sa himpilan ng pulisya.
Pinag-aaralan pa ng mga kamag-anak ng biktima kung sasampahan ng kasong frustrated murder ang suspek na bayaw ng biktimang si Pingkihan.




