CAUAYAN CITY- Nagsimula na ang pinaigting na pagsasanay ng ilang piling pulis sa Santiago City Police Office (SCPO) kaugnay sa paghahanda sa kampanya kontra illegal na droga.
Nagtungo ang piling mga pulis sa kanilang panrehiyong tanggapan sa Tuguegarao City upang magkaroon ng pagsasanay at mapaghandaan ang kampanya ng pulisya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Senior Supt. Percival Rumbaua, City Director ng Santiago City Police Office regular anya ang pagsasanay ng mga pulis subalit sa isinagawang pagsasanay ng mga piling pulis sa Tuguegarao City ay para paghandaan ang mas pinaigting na kampanya kontra illegal na droga.
Inihayag pa ng City Director na mayroong mga binago sa kampanya kontra illegal na droga upang maging epektibo ang pagsugpo dito.
Isa anya ay ang paglalagay ng Body Camera sa mga pulis habang nagsasagawa ng operasyon kontra illegal na droga.
Bukod anya sa kampanya kontra droga ay pagtutuunan din ng pansin ng SCPO ang iba pang mga nagaganap na krimen, pagnanakaw at iba pa.




