CAUAYAN CITY – Nagpakamatay ang isang babaeng guro na na nagtuturo sa pribadong paaralan dito sa Cauayan City.
Ang nagpakamatay ay itinago sa pangalang Rita, 40 anyos, isang guro at residente ng Reina Mercedes, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Senior Inspector Mario Desipulo, Deputy Chief of Police ng Reina Mercedes Police Station na walang nag-ulat sa kanilang himpilan ngunit sa kanilang isinasagawang monitoring sa mga barangay ay kanilang napag-alaman ang pangyayari.
Nagtataka anya ang mga pulis dahil walang nag-ulat na kahit isang pamilya hinggil sa umanoy pagpapakamatay ng biktima na naganap noong gabi pa ng Miyerkoles.
Ang nagpatiwakal ay nakita mismo ng kanyang ama na nakabitin sa kusina ng kanilang bahay.
Inihayag pa ni Senior Inspector Desipulo na batay sa kanilang pagsisiyasat at pagtatanong sa mga kapitbahay ay selos dahilan ng pagpapakamatay ni Rita.
Anya, hindi siya kumbinsido na selos ang sanhi ng pagpapakamatay ni Rita kaya kanilang maususing iimbestigahan ang iba pang anggulo.
Samantala, tumanggi na ring magbigay ng anumang pahayag ang pamilya ni Rita.




