CAUAYAN CITY – Nagsimula na kaninang umaga ang pagdiriwang ng Bambanti Festival 2018 na magtatagal hanggang araw ng Sabado, ika-27 ng Enero 2018.
Sa temang “Isabela kong Mahal” nakatutok ang pagdiriwang ngayong taon bilang pagpupugay sa tagumpay ng mga Isabelenio sa larangan ng sining, agrikultura, turismo at kaunlaran ng lalawigan.
Ang pagdiriwang ay sinimulan ng misa ng pasasalamat sa St. Michael’s Cathedral sa Gamu, Isabela na pinangunahan nina Governor Faustino Dy III at Vice Gov. Antonio Albano.
Muling makikita at mabibili ang mga pangunahing produkto ng bawat siyudad at bayan ng Isabela sa Agro Eco-Tourism Exhibit and Sale na binuksan kaninang umaga.
Inihayag ni Sangguniang Panlalawigan Member Rolando Tugade, director general ng Bambanti Festival 2018 na nasa 36 na bayan at siyudad ang may entry sa Bambanti booth at scare crow competition.
Nagsimula rin ngayon ang 3 araw na Dental, Medical at Surgical Mission hanggang ika-24 ng Enero na sa Gov. Faustino N. Dy Memorial Hospital para sa mga Isabelenio na nangangailangan ng serbisyong-medikal.
Tampok naman sa ika-25 ng Enero ang Mangan at Mainum Cook Fest na lalahukan ng nasa 26 na munisipalidad habang sa gabi ay magkakaroon ng konsiyerto at fireworks display.
Sa ika-26 ng Enero ay isasagawa sa gabi ang street dancing competition, search for king and queen festival at choral competition.
Sa ika-27 ng Enero ay isasagawa ang grand finals ng choral competition at ang concert tampok sina Ogie Alcasid, Elmo Magalona, Janella Salvador at Jonalyn Viray.
Ang Bambanti ay salitang Iloko na ang katapat na salita sa English ay “scarecrow” na ginagamit ng mga magsasaka na panakot sa mga ibon na kumakain sa mga butil ng palay lalo na kung malapit nang anihin.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, Inihayag ni Provincial Information Officer Jessie James Geronimo na layunin ng pagdiriwang ng Bambanti Festival na ipakilala ang Isabela bilang nangungunang corn producer at ikalawang palay producer sa bansa at isa rin pinakamagandang eco-tourism destination sa Pilipinas.
Ang Isabela na pangalan ng lalawigan ay halaw sa pangalan ni Queen Isabela II ng Spain noong 1856.
Ito ang binigyang buhay sa paglabas sa publiko ng Queen Isabela monument sa harapan ng Panlalawigang Kapitolyo.
Ang Bambanti Festival ay unang ipinagdiwang noong 1997 sa panahon ng panunungkulan ni yumaong dating Gov. Benjamin Dy bilang pagkilala sa pagpupunyagi at pagsisikap ng mga magsasakang Isabelenio na mapangalagaan ang mga tanim na palay mula sa mga ibon na kumakain sa butil ng mga palay lalo na kapag malapit nang anihin.
Pagkilala rin sa mga magsasaka na nagbibigay ng malaking ambag sa pag-angat ng ekonomiya ng lalawigan sa pamamagitan ng malaking produksiyon ng palay at mais.




