CAUAYAN CITY – Mahigpit ang pagbabantay ng mga otoridad sa isang opisyal ng bangko sa Isabela na nakaligtas sa pananambang sa kanya noong gabi ng ika-19 ng Enero 2018.
Nagtamo ng mga sugat sa katawan at patuloy na ginagamot sa ospital ang biktimang si Mr. Erwin Tabucol, 54 anyos, may asawa, chairman of the board ng Fico Bank at residente ng San Rafael, Roxas, Isabela.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan sa Cabatuan Police Station, patuloy ang kanilang imbestigasyon upang matukoy ang iba pang anggulo sa pamamaril sa biktima habang sakay ng isang Chevrolet pauwi sa kanilang bahay sa bayan ng Roxas.
Makikipag-ugnayan din ang Cabatuan Police Station sa ibang himpilan ng pulisya kung saan mayroon din naganap na pamamaril sa iba pang opisyal ng nasabing bangko.
Nakausap na rin umano nila ang biktima na unang sumailalim sa operasyon subalit hindi muna nagbigay ng karagdagang impormasyon ang pulisya.
Nagtamo si Tabucol ng tama ng bala sa kanyang leeg, kamay at braso na agad nagmaneho ng mabilis patungo sa himpilan ng pulisya upang matakasan ang mga suspek.
Noong Disyembre 2017 ay binaril at pinatay ang security officer ng bangko na si Jimmy Padernilia habang sakay ng SUV pauwi sa kanilang bahay sa Marabulig I, Cauayan City.
Noong December 2015 ay binaril at pinatay sa mismong bakuran ng kanilang bahay ang dating presidente ng bangko na si Mr. Herminio Ocampo.
Nasugatan ang kanyang misis sa naganap na pamamaril habang sila ay naghahanda patungong Pampanga upang doon ipagdiwang sana ang Pasko.
Noong Okctober 2011 ay tinambangan sa Alicia, Isabela ng riding-in-tandem suspect si Mr. Johnson Pascual, branch manager ng Fico Bank sa Maddela, Quirino habang siya ay lulan ng kanyang sasakyang Crosswind patungo sa kanilang corporate office sa Minante 1, Cauayan City para sa kanilang meeting.




