CAUAYAN CITY – Pangunahing tutukan ngayon ng pulisya ang posibleng mananamantala ng mga magnanakaw kasabay ng pagdiriwang ng Bambanti Festival 2018 na pormal nang nagsimula ngayong araw ng Lunes.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Supt. Ariel Quilang, hepe ng Ilagan City Police Station at ground commander ng Bambanti Festival, kanyang inihayag na nakalatag na ang security measures ng pulisya upang matiyak ang kaligtasan ng publiko na magtutungo sa Provincial Capitol.
Isa aniya sa kanilang tutukan ang posibleng insidente ng pagnanakaw lalo pa at inaasahan ang pagdagsa ng maraming tao upang matunghayan ang ibat ibang aktibidad sa nasabing festival.
Mahigpit din babantayan ng pulisya ang ibat ibang bangko, supermarkets at malls sa lunsod sa posibleng panloloob ng mga magnanakaw.
Ayon pa sa naturang hepe, mahigpit ding niyang tutukan ang daloy ng trapiko upang maiwasan ang pagsisiksikan ng mga sasakyan na magtutungo sa lugar.
May inilatag din na lugar kung saan ang tamang sakayan at babaan ng mga pasahero maging ang designated area para sa paradahan ng mga motorsiklo upang maiwasang makapagtala ng kaso ng carnapping.
Tiniyak pa ni Supt. Quilang na 24 oras na nakadeploy ang mga pulis para agad makatugon sa oras ng pangangailangan.




