CAUAYAN CITY- Nagpahayag ng pakikiramay at pakikidalamhati si Brig. General Perfecto Rimando, ang Commanding general ng 5th Infantry Division Philippine Army sa Gamu, Isabela sa pamilya ng 2 sundalo na nasawi sa naganap na sagupaan sa Barangay Maling, Balbalan Kalinga.
Ang 2 nasawing sundalo ay sina Corporal Jeather Langcay ng Tuguegarao City, Cagayan at Private First Class Edward Bonggat ng Tabuk City, Kalinga habang nasugatan sina Staff Sergeant Virgilio Jacinto at Private First Class Keaven Macaiba, pawang kasapi ng 50th Infantry Batallion Philippine Army na nakahimpil sa Pinukpuk, Kalinga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Capt. Jeffrey Somera, chief ng 5th Infantry Division Public Affairs Office na nagsagawa ng operasyon ang mga sundalong kasapi ng 50th IB dahil sa natanggap na presensiya ng mga kasapi ng NPA sa nasabing lugar na nauwi sa engkuwentro.
Tumagal ng 30 minuto ang palitan ng putok na nagbunga ng pagkamatay ng 2 sundalo at ikinasugat ng 2 iba pa.
Sinabi pa ni Capt. Somera na tiniyak ni Brig. General Rimando na ibibigay sa pamilya ng 2 sundalo ang nararapat na kapakinabangan matapos ibuwis ang kanilang buhay para sa kapayapaan sa lalawigan ng Kalinga.




