--Ads--

CAUAYAN CITY – Dalawampung mag-aaral ng daycare center na nabiktima ng food poisoning ang dinala sa Echague District Hospital.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Roda Jacqueline Gaffud, Chief of Hospital ng Echague District Hospital na nagkaroon ng feeding program sa San Marcelo Daycare Center sa Angadanan, Isabela ngunit matapos nilang kumain ay nakaranas sila ng pagsakit ng kanilang tiyan, pagdudumi at pagsusuka.

Ang kinain ng mga batang mag-aaral na may edad apat hanggang anim bilang bahagi ng feeding program ay Puto, lugaw na mayroong halong karne at tinimplang inumin .

Sa ngayon anya ay sinisiyasat pa kung ano sa mga kinain ng mga batang mag-aaral ang sanhi ng food poisoning.

--Ads--

Nanawagan si Dr. Gaffud sa mga magulang na panatilihing malinis ang kapaligiran at paghahanda ng mga pagkain upang maiwasan ang food poisoning

Ang mga bata ay nasa maayos nang kalagayan at nakatakdang lumabas sa pagamutan ngayong araw.