CAUAYAN CITY- Patay ang isang magsasaka matapos makipagtagaan sa kanyang bilas na nagkaroon umano ng utang sa kanya.
Ang namatay ay si Jomel Sabado, nasa tamang edad, may-asawa habang ang suspek ay ang bilas na si Johnny Hunnag, 32 anyos, may-asawa at kapwa residente ng Maddela, Quirino.
Lumabas sa pagsisiyasat ng Maddela Police Station na nagtungo si Sabado sa bahay ni Hunnag upang singilin sa kanyang utang ngunit nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa
Biglang tinaga ni Sabado sa mukha si Hunnag dahilan para gumanti at kumuha ng itak.
Tinaga sa ulo ang tumatakas na si Sabado na agad dinala sa pagamutan ngunit binawian ng buhay.
Matapos magamot ang sugat sa mukha si Hunnag ay agad din siyang sumuko sa Maddela Police Station.
Mag-uusap ang mga pamilya ng biktima at suspek bago magpasya kung magsasampa ng kaso laban kay Hunnag.




