CAUAYAN CITY -Nagpapagaling pa rin sa isang pagamutan ang isang dating barangay kapitan na biktima ng pamamaril sa Brgy. Mangcuram, Ilagan City.
Ang sugatang biktima ay kinilalang si Roldan Ludovico, 54 anyos, may asawa, isang magsasaka at residente ng nasabing lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Supt. Ariel Quilang, hepe ng Ilagan City Police Station, ang biktima ay pauwi na sa kanilang bahay sakay ng kanyang kotse nang biglang dumating ang hindi pa nakikilang suspek at pinagbabaril ng maraming beses ang dating barangay kapitan gamit ang hindi pa mabatid na uri ng baril.
Nagtamo ng sugat sa ibat ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima na agad dinala sa pagamutan para malapatan ng kaukulang lunas.
Kinumpirma pa ng naturang hepe na kilala na nila ang suspek sa pamamaril subalit tumanggi muna siyang pangalanan para sa kanilang isinasagawang imbestigasyon.
Dating alitan ang isa sa tinitignan anggulo ng pulisya sa naganap na krimen.




